--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na dalawang bilyong piso ang inisyal na halaga ng pinsala sa agrikultura na iniwan ng Super Typhoon Pepito sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arsenio Apostol, Station Manager ng Nueva Vizcaya Experiment Station, sinabi niya na lubhang napinsala ang mga pananim sa kanilang lalawigan pangunahin na ang mga high value crops.

May posibilidad naman na madagdagan pa ang nabanggit na halaga dahil nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang isinasagawa nilang damage assessment.

Dahil dito ay asahan aniya na maaapektuhan ang suplay ng gulay sa merkado dahil marami ang nasirang plantasyon ng gulay kagayang Kamatis, Kalabasa maging ang sibuyas.

--Ads--

Totally damaged din aniya ang mga tanim nilang sibuyas para sa kanilang research and development program na pinondohan nila ng 3 milyong piso.

Binaha kasi ang mga pananim sa Nueva Vizcaya kaya halos hindi na mapakinabangan pa ang mga ito.

Nakapamahagi naman na umano sila ng mga farm inputs sa mga apektadong magsasaka na nagkakahalaga ng 18 milyong piso bago pa man tumama ang bagyo.

Dahil naman sa epekto sa supply kung kayat posible ring tumaas ang presyo ng mga nasabing high value crops.