CAUAYAN CITY- Humakot ng gintong Medalya ang tatlo na atleta ng Team Isabela sa Gymnastics sa Batang Pinoy 2024 na kasalukuyang ginaganap sa Puerto Prinsesa.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach Rhea Mae Joy Garma sinabi niya na gaya ng nangyari noong Palarong Pambansa ay hindi nila inasahan na makakamit nila ang matagal na nilang pangarap na makakuha ng gintong medalya sa Batang Pinoy lalo na at karamihan sa mga katunggaling atleta ay sinanay ng mga International coaches.
Ito rin ang unang pagkakataon na sumabak sa Batang Pinoy ang tatlong atleta na pawang mga Estudyante ng San Mateo Vocational and Industrial High School
Humakot ng Tatlong Gintong Medalya si Mark Joshua Saet sa Individual Men event,Mixed Pair at Trio.
Dalawang ginto at isang pilak na medalya naman ang nasungkit ni Janna Jane Lazaro sa Individual Women event, Mixed pair at Trio habang may isang gintong medalya naman si Jan Mherz Kervin Catillo na nagtapos din sa Rank 6 sa individual men event.
Labis ang pasasalamat nila sa Gymnastics Association of the Philippines na siyang nagsanay sa kanila para makamit ang matagumpay na karera sa Batang Pinoy 2024.
Isa sa mga pinaka tinutukan nila ay ang pagpapalakas ng core muscle na pinaka kailangan para sa aero gymnastics, naging puspusan din ang kanilang pagsasanay kahit na kasagsagan ng pananalasa ng sunod sunod na bagyo sa Isabela.