--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakitaan ng pagtaas ang Anthrax cases sa Region 2 kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon.

Sa report ng DOH Region 2 sa pamamagitan ni Nurse 3, Liezel Jampas, umabot sa dalawamput apat ang kaso ng Anthrax ngayong 2024 matapos naman ang outbreak sa Barangay Matalao, Sto. Nino Cagayan nitong Setyembre hanggang Oktubre.

Mataas ito kung ikukumpara sa nakalipas na taong 2023 na labing isa lamang at 2022 na labintatlong kaso.

Batay sa epidemiologic investigastion namatay ang apat na kalabaw noong Sept. 21 hanggang Oct. 7, 2024 sa Brgy. Matalao at 239 na indibidwal ang itinuring na at risk dahil sa exposure sa mga namatay na hayop.

--Ads--

Dalawamput apat ang kinumpirmang kaso at walang naitalang nasawi.

Nasa pito naman ang samples na isinailalim sa testing para sa aerobic culture para sa Bacillus Anthracis kung saan lima ang negative at isa ang nagpositibo habang ang isa ay hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri dahil sa temporary suspension ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pagtanggap ng anthrax cases.

Aabot naman sa dalawampung samples ang isinailalim sa testing para naman sa Polymerase Chain Reaction at lahat naman ay negatibo ang resulta ng pagsusuri.

Ayon kay Nurse 3 Jampas, wala nang aktibong kaso ng Anthrax at lahat ng mga naunang suspected at confirmed cases ay nakarekober na.

Ayon naman kay Dr. Janet Ibay, Medical Officer 4 ng DOH Region 2 sinabi niya na bagamat mas mataas ang naitalang kaso ngayong taon ay mas naging mabilis naman ang interbensyon at surveillance dahil agad na napupuntahan ng kagawaran ang mga nairereport na suspected na kaso ng Anthrax.

Patuloy ang maigting na kampanya ng DOH Region 2 laban sa nasabing sakit at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga LGUs na sakaling makapagtala ng kaso ay maari silang maglabas ng executive order para sa pagbabakuna sa mga hayop upang maiwasan ang nasabing sakit.

Ayon naman kay Dr. Manuel Galang, Veterinarian III ng Department of Agriculture Region 2 sinabi niya na malaking tulong ang kaalaman ng publiko sa nasabing sakit dahil agad na nilang inirereport sa mga otoridad ang naitatalang kaso ng Anthrax.

Ayon kay Dr. Galang, zoonotic ang nasabing sakit at kahit iisang kaso lamang ang maitala ay kailangan ng paghihigpit at agarang interbensyon upang hindi kumalat ang sakit.

Pinakamahalaga naman sa pag-iwas sa sakit na anthrax ang pagbabakuna sa mga hayop.

May mga isinasagawa namang pagbabakuna ang DA Region 2 katuwang ang DOH Region 2 sa mga apektadong lugar upang mapababa ang kaso.