Inihayag ng Isabela Provincial Highway Patrol Team na wala nang naitalang kaso ng carnapping o motornapping sa lalawigan ng Isabela sa mga nakalipas na buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, ang Provincial Officer ng Isabela Highway Patrol Team, sinabi niya na tanging minor violations nalang ang kanilang nahuhuli dahil matagal nang nahuli ang grupo ng mga carnapper sa lalawigan ng Isabela.
Zero reported cases aniya ngayong buwan ng Nobyembre, ngunit may ilan pa ring naitatalang kaparehong kaso sa ibang lalawigan na sakop ng Region 2.
Ayon pa kay Provincial Officer Sales, bumaba ang kaso ng carnapping o motornapping ngayong kwarter ng taon kung ikukumpara noong nakalipas na kwarter.
Gayunpaman, tuloy tuloy pa rin ang Highway Patrol Team sa pagsasagawa ng kanilang operasyon upang makatiyak na mabantayang maigi ang kakalsadahan at maisakatuparan ang pagpapatupad sa anti-carnapping law at batas trapiko o RA 4136.
Umaasa naman ang tanggapan na wala nang mabiktimang indibidwal o motorista kaugnay sa usapin ng carnapping/motornapping.