Ilang katao ang nasugatan matapos na atakihin ng isang asong gala sa Barangay 1, Jones, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marybel Lucas, residente ng Barangay 1 Jones, Isabela, sinabi niya na marami ng napapaulat na nakagat ang inirereklamo nilang aso subalit hindi umano nila inakala na muli itong aatake.
Aniya, dahil panatag sila ay hinayaan nilang makalabas ang knaiyang anak para maglaro, alas dos ng hapon ng utusan niya ito na ipasok ang aso nilang Shis Tzu ng biglang lumitaw mula sa likuran ang asong gala at kinagat ang kaniyang anak na agad itinakbo sa pagamutan para mapaturukan ng anti-rabies.
Batay sa mga impormasyong kanilang nakuha umabot na sa limang tao ang kinagat ng aso sa bahagi ng palengke, at limang tao rin ang nakagat sa kanilang Barangay kasama ang ilan sa kanilang mga kapitbahay.
Maliban sa tao ay kinagat din ng aso ang iba pang mga alagang aso sa lugar, maging mga alagang manok.
Sa itsura ng aso mapapansin na agresibo ito at naglalaway, humiling na sila ng tulong sa mga opisyal ng Barangay para mahuli na at matigil na ang pangangagat nito.
Dahil sa insidente ay nangangamba na sila sa kanilang kaligtasan lalo na kung nasa labas sila ng kanilang bahay.