CAUAYAN CITY- Tinupok ng apoy ang isang bodega sa Luna Extension Street, District 2, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Hapreet Saul, isang indian national at may-ari ng nasunog na establishimento, sinabi niya namag-aalas nuebe ng umaga nang tawagin siya ng kaniyang kapit-bahay upang ipaalam ang pagsiklab ng sunog sa kanilang bodega na nasa sampung metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.
Naglalaman anya ito ng ibat-ibang gamit pambahay na mga paninda kagaya na lamang ng mga monoblock chairs, mattresses o mga foams, hanger at marami pang iba.
Marami anya sa kanyang mga paninda ang nasunog habang ang masuwerte namang naisalba ang iba pang mga paninda nila.
Ipinagtataka naman ni Saul kung papaano nagumpisa ang naturang sunog lalot wala naman anyang tustos ng kuryente kung saan nagumpisa ang apoy.
Agad namang tumugon ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan City, Rescue 922 Firefighters at iba pang unit ng kawanihan ng pamatay sunog upang maapula ang apoy.
Sa ngayon ay inaalam pa kung ano ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga natupok ng apoy.
Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jun Chua, isa sa unang nakakita ng sunog, sinabi niya na nagsimula ang sunog sa labas ng bodega.
Aniya, nasa karinderya siya kaninang umaga nang tawagin siya ng isa sa mga boarders nito at sinabi na mayroong makapal na usok na nagmumula sa bodega ng plastic ware at nang tiningnan niya ito ay dito ay nagsisimula ng lumaki ang sunog sa gilid ng pader ngh bodega.
Agad naman siyang nag-radyo sa Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office na sila namang nagpaalam ng insidente sa Bureau of fire protection Cauayan City.