Inihayag ng Bureau of Fire Protection o BFP Alicia na nakasaksak na vape ang dahilan ng pagkasunog ng isang bahay sa Purok 1, Barangay Sto. Tomas, Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO1 Christian Ramirez ng BFP Alicia sinabi niya na ang naturang bahay ay pagmamay-ari ni Judeth Ola at may tatlong pamilya na nakatira rito.
Batay sa kanilang imbestigasyon, posibleng kuryente ang dahilan ng sunog dahil may naiwang nakasaksak na vape sa loob ng kwarto kung saan nagsimula ang apoy.
Aniya ang mga kwarto ng bahay ay maliliit lamang at nang dumating sila sa lugar ay dalawang kwarto na ang nasusunog at umabot na ang apoy sa hallway ng bahay.
Mabilis namang nakapasok ang kanilang firetruck sa lugar bagamat hindi nailapit sa mismong harapan ng bahay kaya gumamit na lamang sila ng mahabang hose at umabot sa mahigit dalawampung minuto bago tuluyang naapula ang sunog.
Tanging ang mag-ina lamang ang nasa loob ng bahay nang mangyari ang sunog kaya wala silang nailigtas na gamit.
Pinaalalahanan naman ni SFO1 Ramirez ang publiko na ugaliing ipasuri ang mga electrical wiring sa loob ng bahay lalo na ngayong may mga pailaw na isinasaksak upang makaiwas sa sunog.
Tanggalin din sa saksakan ang mga appliances o patayin ang circuit breaker kapag aalis ng bahay dahil maari itong pagsimulan ng sunog kapag nagkaroon ng short circuit.