CAUAYAN CITY- Sugatan ang na katao kabilang ang isang sundalo sa salpukan ng SUV at pampasaherong bus sa pambansang lansangan na nasasakupan ng brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Kinilala ang tsuper ng bus na si Ramil Apatad residente ng Peñablanca, Cagayan habang ang sangkot naman na SUV ay minamaneho ni Sgt. Samuel Agub, miyembro ng Philppine Army na nakabase sa 5th Infantry Division.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. John Sarmiento, Officer in Charge ng Gamu Police Station, sinabi niya na binabaybay ng bus ang National Highway patungo sa Tuguegarao City habang patungo naman sa Gamu, Isabela ang SUV.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, napunta umano ang SUV sa linya ng bus dahilan upang magsalpukan ang mga ito.
Nagtamo naman ng sugat ang tsuper ng SUV maging ang tatlong sakay nito habang maswerte namang hindi nasugatan ang mga lulan ng Bus.
Agad namang naitakbo sa pagamutan ang mga biktima at sa ngayon ay nasa maayos na umano silang kalagayan.
Lubha namang napinsala ang dalawang behikulo pangunahin na ang SUV na nawasak ang harapang bahagi nito.
Nagpapatuloy naman sa ngayon ang ginagawang pagsisiyasat ng Gamu Police Station hinggil sa insidente.