CAUAYAN CITY- Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang aksidente na kinasangkutan ng isang wing van at pick-up truck Brgy. Balete, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan kung saan patungong Hilagang direksyon ang wing van habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang pick-up.
Nang makarating ang wing van sa pababang bahagi ng kalsada ay nadulas umano ito at pumalya ang kaniyang preno dahilan upang tumagilid ito at madaganan ang kasalubong nitong pick-up truck.
Maswerte namang walang nasaktan sa naturang insidente dahil ang cargo bed lamang ng pick up ang nadaganan.
Natanggal naman na sa gitna ng kalsada ang mga sangkot na sasakyan ngunit nararanasan pa rin ang matinding trapiko sa lugar na mayroong isang oras na interval dahil sa isinasagawang road construction sa lugar.
Sa ngayon ay inaantay na lamang sa ngayon ang pag-uusap ng dalawang panig.