CAUAYAN CITY- Nagsagawa ng Prusisyon imahe ni Birheng Maria ang Our Lady of the Pillar Parish Church – Cauayan City kaninang alas kwatro ng madaling araw bilang pakikiisa sa Feast of the Immaculate Conception.
Matatandaan na inilipat ang pagdiriwang ng naturang kapistahan sa ika-9 ng Disyembre dahil naitaon na 2nd Sunday of Advent ang December 08 na orihinal na kapistahan ng Immaculada Concepcion.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church, sinabi niya na maliban sa pagkatapos ng Marian Procession ay nagdaos sila ng misa katuwang ang Daughters of Mary Immaculate ng Parokya.
Bagama’t hindi Holiday of Obligation ang kapistahan ngayong taon alinsunod na rin sa kahilingan ng Simbahang Katolika sa Vatican bilang konsiderasyon sa mga katoliko na pasok sa kanilang mga trabaho ay marami pa rin ang nakiisa sa aktibidad ng simbahan ngayong araw.
Inaasahan naman na mas marami pang mga mananampalataya ang makikiisa mamayang hapon dahil tapos na ang kanilang trabaho.
Ang Feast of the Immaculate Conception ay ang pagdiriwang ng paglilihi ni St. Anne kay Maria na walang bahid-dungis.
Ginawang malinis ng Diyos ang sinapupunan ni Sta. Ana upang ihanda si Maria na ipagbuntis si Hesus.