--Ads--

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng Schools Division Office o SDO Isabela ang proseso sa pagbibigay ng Special Hardship Allowance (SHA) ng mga Guro.

Ito ay matapos dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang hindi na nagpakilalang guro hinggil sa delay sa release ng kaniyang SHA.

Hindi pa umano nito natatanggap ang naturang allowance magmula 1st quarter hanggang 3rd quarter ngayong taon gayong nakapag-sumite naman na ito ng kaniyang Daily Time Record (DTR) na requirement para makuha ang SHA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mary Julie Trus, Assistant Division Superintendent ng SDO Isabela, sinabi niya na ang pag-release ng SHA ay nakadepende sa pagdating ng pondo at hindi per quarter.

--Ads--

Aniya, nitong buwan lamang buwan ng Oktubre dumating ang allotment ng SDO Isabela para sa SHA na 44 Million pesos na nakalaan para sa 1,043 na na Multigrade teachers at school heads.

Nang matanggap na aniya nila ang pondo ay agad naman umano nilang sinabihan ang mga guro na magpasa na ng kanilang requirements na DTR at Payroll para makuha na nila ang kanilang SHA payment magmula 1st hanggang 3rd quarter ng 2024.

Sa ngayon aniya ay mayroon nang nakapagsumite ng kumpletong requirements kaya naman nakapag-release na sila ang 28 Million pesos mula sa 44M pesos na pondo.

Patuloy pa naman aniya sa ngayon ang proseso sa pag-release sa SHA ng mga may kulang na requirements.

Kasalukuyan na din aniya ang pagtanggap nila ng requirements para sa last quarter na payment ng SHA at hanggang sa Martes na lang umano ang deadline ng submission.