--Ads--

CAUAYAN CITY – Sapat ang suplay ng baboy sa lalawigan ng Isabela hanggang Kapaskuhan.

Ito ang tiniyak ng Isabela Provincial Veterinary Office o PVET sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Ayon kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer, sinabi niya na batay sa kanilang monitoring, ang mga baboy na ipinapakalat sa lalawigan ay galing din sa mga bayan sa Isabela.

Mas marami ang mga galing sa loob ng Isabela kaysa sa mga kinukuha sa ibang bayan o lalawigan tulad ng mga baboy na mula sa Kalinga.

--Ads--

Batay sa kanilang monthly monitoring sa ibat-ibang slaughterhouses sa Isabela, umaabot sa 925,750 kilos at posibleng madagdagan ito sa mismong pagdiriwang ng Pasko.

Sa ngayon kasi ay ang bayan ng Cabagan at San Mariano na lamang ang mayroong aktibong kaso ng African Swine Fever o ASF mula nitong ika-3 ng Disyembre.

Nakapagreport ang LGU Cabagan ng 40 heads ng nacull na baboy habang 59 heads naman sa San Mariano kaya hindi pa sila pinapayagang magkatay ng baboy sa nasabing mga bayan.

Sa ngayon ay nasa P160-P195 kada kilo ng live weight na baboy habang sa mga nakatay na P240-P320 ang kada kilo.

Pinaalalahanan naman niya ang mga nagkakatay sa Barangay na kailangan pa ring mainspect ng meat inspector ang mga baboy bago nila ito katayin upang matiyak na wala itong ASF o anumang sakit na kumakalat ngayon.

Maigting naman aniya ang kanilang awareness seminar sa mga Barangay patungkol sa tamang pagkakatay ng baboy kaya umaasa silang susunod ang mga residente.