Hinikayat ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, South Korea ang mga undocumented Filipinos doon na samantalahin ang pinalawig na voluntary departure program ng Ministry of Justice ng South Korea.
Ang extension ng programa para sa boluntaryong pag-alis ng mga dayuhan ay kasunod ng lumalaking bilang ng mga dayuhang walang sapat na dokumento ngunit nananatili sa nasabing bansa.
Ayon sa ahensya, ang mga dayuhang hindi na dokumentado na naninirahan sa South Korea na boluntaryong aalis bago mag Enero 31, 2025 ay hindi pagbabayarin ng multa.
Hindi rin sila mailalagay sa “blacklist” o listahan ng mga taong ipinagbabawal na pumasok sa South Korea sa loob ng nasabing programa.
Kaya naman, sinabi ng embahada na alang-alang sa kapakanan at kaligtasan ng mga walang sapat na dokumento, hinihikayat ang lahat na sundin ang mga prosesong legal upang hindi na humantong sa malaking aberya o mauwi sa pagpapataw ng anumang parusa.