Hindi kailangan ang pagpapababa sa passing rate sa Bar Examinations kundi mas kailangan ng bansa ang mas mabisang pagtuturo sa College of Law.
Inihayag ng dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines o IBP na bagamat nakatulong sa mga examinees ang pagpapababa ng Supreme Court sa passing rate sa 2024 Bar Examinations ay may negatibo pa rin itong epekto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng IBP sinabi niya mabuti naman ang pagbaba ng Supreme Court sa passing rate ngunit hindi na dapat isinapubliko pa upang maiwasan ang pangangantiyaw sa mga kumuha ng pagsusulit.
Aniya may negatibo rin itong epekto sa ilang examinees, maging sa mga pumasa na nasa pasang awa lamang na 74% passing rate.
Tinawag aniya itong standard kaya dapat sundin bagamat pwedeng baguhin internally at hindi na kailangang ianunsyo pa sa publiko.
Mabuting simplehan na lamang ng Supreme Court ang nilalaman ng exam at mas bigyang pansin ang mismong pag-aaral sa College of Law upang mas matiyak na nakapag-aral ng mabuti ang mga law students sa kanilang pagsabak sa pagsusulit.
Mas mabuting natuto na sa pag-aaral ang mga ito dahil mas malaki ang tiyansang masagot nila ang mga tanong sa pagsusulit na alam ng lahat na napakahirap.
Tanggalin na rin aniya ang mga hindi kailangang subjects sa pag-aaral ng Law na hindi rin naman mai-aapply ng abugado sa real life setting.
Hindi naman naniniwala si Atty. Cayosa na may kakulangan ng mga abugado sa bansa dahil maraming abogado na hindi pina-practice ang Litigation na kailangan sa Criminal Justice System.
Karamihan sa mga ito ay nagnenegosyo, pulitiko, nasa Bureaucracy o nasa ibang larangan.
Ang problema aniya rito ay ang mabagal na justice system sa bansa kaya payo niya na gumamit na ng internet sa mga hearing upang mas accessible sa mamamayan at mas mabilis ang proseso.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi kailangan ang napakaraming abogado dahil ang tunay na kailangan ng bansa ay ang mga abogadong may tapang at malasakit sa mga mahihirap, may paninindigan at may pagnanais na mapabilis ang galaw ng hustisya sa bansa.