--Ads--

Nakaligtas sa kamatayan ang isang karpintero matapos siyang makuryente sa Brgy. San Leonardo Aglipay Quirino.

Ang biktima ay isang apatnaput apat na taong gulang na karpintero at residente ng Brgy. Ligaya, Aglipay Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Melinda Ignacio ng Aglipay Police Station sinabi niya na nakuryente ang karpintero habang ito ay nagkakabit ng yero sa 3rd floor ng bahay na kanilang ginagawa.

Humangin umano ng malakas kaya dumikit ang linya ng kuryente sa yero na ikinakabit nito na naging dahilan ng kanyang pagkakakuryente.

--Ads--

Dahil sa pagkakakuryente ay nagtamo ng mga sugat sa kamay at paa ang biktima na agad namang natulungan ng mga nakaduty na pulis ng Quirino Police Provincial Office na malapit lamang sa lugar at nadala sa pagamutan.

Ayon kay PLt. Ignacio, una na umanong pinagsabihan ang biktima na huwag na munang ituloy ang pagkakabit ng yero dahil wala itong kasama ngunit nagpatuloy pa rin ito sa trabaho at nagdulot naman ng aksidente.

Matapos madala sa pagamutan at malapatan ng lunas ay agad din itong nakauwi sa kanilang bahay.

Pinaalalalahanan naman niya ang publiko lalo na ang mga may kahalintulad na trabaho na laging tiyakin ang seguridad at huwag magpakampante sa mga kable ng kuryente na maaring magdulot ng aksidente.