--Ads--

Nalagpasan na ng Bureau of Internal Revenue o BIR Isabela ang puntiryang koleksyon nito ng buwis ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robertson Gazzingan, ang Revenue District Officer ng BIR Isabela, sinabi niya na kung ikukumpara ang koleksyon ng 2023 at 2024 ay mas malaki na ngayong taon dahil umabot na sa isang bilyon ang excess.

Patunay lamang ito na maganda ang performance ng mga taxpayers sa lalawigan kaya nagpasalamat ang pamunuan ng BIR Isabela.

Aniya nasa P6.6 bilyon na ang kanilang nakolektang buwis ngayong 2024 na mas mataas sa P5.5 bilyon na nakolekta nila noong 2023.

--Ads--

Ang target collection nila ay P6.4 bilyon kaya nalagpasan na ng kasalukuyang revenue ang target.

Ang inaabangan ngayon ng tanggapan ay kung maaabot din ang kanilang target collection para sa buwan ng Disyembre.

Kung maabot ito ay mas lalaki pa ang kanilang excess goal para sa target tax collection ngayong 2024.

Pinaalalahanan naman Ginoong Gazzingan ang mga negosyante sa natitirang ilang araw ng 2024 na tiyakin na tunay ang idedeklarang kita dahil ngayong holiday season ay mataas ang paggastos ng publiko kaya tataas din ang kita o benta ng mga negosyante.

Naglabas kasi ng bagong guidelines ang BIR Isabela para sa pagpaparehistro ng mga negosyante.

Pansamantala namang sinuspinde ng BIR Isabela ang field work ng kanilang mga empleyado na nag-iikot sa mga negosyo sa lalawigan para sa Tax Compliance Verification Drive at babalik na lamang sila sa January 12, 2025.