Nagmistulang dumpsite ang palibot ng Cauayan Sports Complex dahil sa ilang mga residente sa lungsod ang nagtatapon ng basura sa naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag ng Barangay Tagaran, sinabi niya na kamakailan lamang ay nakahuli sila ng mga nagtatapon at nagsusunog ng basura sa likod ng Sports Complex na kanila sanang kakasuhan ngunit nakiusap ang mga ito na mag-community service na lamang ng sampung araw.
Buong akala umano ng Barangay ay hindi na pamamarisan ng mga residente ang mga una nang napaulat na nagtapon at nagsusunog ng basura sa kanilang lugar ngunit noong nakaraang gabi ay dalawang indibidwal na naman ang nahuli.
Sakay naman ang mga ito sa dalawang kolong kolong at naaktohan na nagtatapon ng mga binaklas na refrigerator.
Kaugnay nito, dahil sa pagro-ronda ng mga opisyal ng barangay ay agad namang nahuli ang mga indibidwal na nahaharap sa paglabag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at tulad ng unang nahuli ay dinala rin sila sa himpilan ng pulisya
Napag-alaman nila na ang mga indibidwal na nagtatapon ng basura sa lugar ay mga residente ng ibang barangay.
Sa ngayon ay umaasa naman ang mga opisyal ng Barangay Tagaran na hindi na mauulit muli ang naturang kaso lalo pa at Tourist destination ang lugar.