Inspirasyon ng Rank Number 2 sa katatapos na X-Ray Technologists Licensure Examination ang mga naging sakripisyo ng mga magulang sa kanyang tagumpay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Angel May Dulay-Almeron, Rank 2 sa katatapos na X-Ray Technologists Licensure Exam at residente ng Nueva Ecija, sinabi niya na hindi siya makapaniwala na mapapabilang siya sa topnotchers.
Aniya una na niyang sinabi sa kanyang mga kaklase at kakilala na hindi niya titingnan ang resulta at kung may babati man sa kanya ay doon lamang niya malalaman na siya ay nakapasa sa pagsusulit.
Gabi nang ilabas na ang resulta ay ilang kaklase niya ang nagmessage sa kanya para siya ay batiin matapos niyang makapasa.
Dito na rin niya nalaman na siya ang rank no. 2 sa exam at sa sobrang tuwa ay ginising niya ang kanyang lola na kasalukuyang natutulog para sabihin na siya ay topnotcher.
Hindi umano niya inasahan na magiging topnotcher siya dahil noong nakaraang taon pa sana siya dapat kumuha ng pagsusulit ngunit hindi natuloy dahil sa ilang problema.
Sa kanyang pagkuha ng pagsusulit ay nagkaroon pa ng kalituhan dahil ang inakala nila ay lapis ang gagamitin sa pagsagot sa mga tanong ngunit noong araw na ng board exam ay computer based pala ang pagsusulit.
Sobrang pasasalamat naman niya sa mga patuloy na nagpapadala ng mensahe para siya ay batiin.
Aniya ito ang kanyang regalo sa kanyang mga magulang na nagbunga na ang mga pawis, pagod at sakripisyo sa pagtatrabaho para lamang siya ay pag-aralin.
Bagamat hiwalay na ang kanyang mga magulang at sa kanyang ina siya nakatira ay hindi umano sila nagkulang para itaguyod ang kanyang pag-aaral.
Dentistry sana ang nais niyang kuning kurso noon ngunit hindi siya umabot sa entrance exam at nakita lamang niya ang BS in Radiologic Technology na kurso sa tarpaulin ng isang unibersidad kaya ito na ang kanyang kinuha kahit wala siyang kaalam-alam kung anong klaseng kurso ito.
Nang maglaon ay napamahal na rin sa kanya ang kurso hanggang sa kanyang natapos at nakapasa pa sa licensure exam na topnotcher.
Pinaalalahanan naman niya ang mga kabataan na ipagpatuloy lamang ang mga pangarap at huwag panghinaan ng loob.
Manalangin at gawing inspirasyon ang mga katulad niyang nakamit ang pangarap sa kabila ng mga sakripisyo at hirap na dinanas sa pag-aaral hanggang sa pagsusulit.