--Ads--

Naging mapayapa ang pagdiriwang ng pasko sa Lalawigan ng Isabela sa kabila ng mga naitalang aksidente at traffic violations sa lansangan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, team leader ng HPG Isabela sinabi niya na mga traffic violations at mga aksidente sa lansangan ang pangunahing naitala sa bisperas at mismong araw ng Pasko sa lalawigan.

Nagkaroon naman ng bahagyang pagkakaroon ng masikip na daloy ng trapiko sa bahagi ng Cauayan City pangunahin sa harap ng isang malaking mall dahil sa pagdagsa ng maraming motorista.

Hindi naman ito nagtatagal dahil sa mga nagmamandong personnel ng Cauayan City Police Station at mga security guard ng mall.

--Ads--

Dahil sa Pasko ay nagbigay naman sila ng konsiderasyon sa mga motorista na may mga traffic violations tulad ng mga walang suot na helmet at hindi na sila ini-issuehan pa ng ticket.

Kadalasan pa ring lumalabag ang mga nakamotorsiklo na walang lisensya, walang suot na helmet o anumang protective gear at nakatsinelas o nakashorts lamang habang nagmamaneho.

Ngayong araw ay muli na silang mag-iissue ng ticket sa mga traffic violators bilang pagsunod na rin sa mandato ng kanilang headquarters.

Sa December 31 at January 1 ay muli naman silang magbibigay ng konsiderasyon sa mga motorista at babalik ang normal nilang operasyon sa January 2.

Nilinaw naman ni PMaj. Sales na ang pagbibigay konsiderasyon nila ay hindi ibig sabihin na pwede nang hindi sumunod ang mga motorista sa traffic laws.

Kailangan pa rin aniyang sumunod ang lahat sa batas trapiko lalo na at para rin naman ito sa kaligtasan ng mga motorista.

Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga motorista na nagtutungo sa mga pampublikong lugar at kailangang iparada at iwan ang sasakyan na tiyaking naka-lock ang mga ito upang hindi matangay ng mga magnanakaw.

Siguraduhin ding road worthy ang sasakyan kapag bibiyahe ng malayo upang makaiwas sa aksidente.