Ang World Gymnastics Championships at ang 33rd Southeast Asian Games ang mga paghahandaang torneo ni 2024 Paris Olympic Games double-gold medalist Carlos Edriel Yulo sa taong 2025.
Hangad ni Yulo na maduplika ang kanyang performance sa Paris Games.
Sasabak ang 24-anyos na si Yulo sa FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Oktubre sa Jakarta, Indonesia.
Wagi si Yulo ng gold sa floor exercise noong 2019 at sa vault noong 2021 editions.
Sa Disyembre naman lalahok ang tubong Leveriza, Manila sa SEA Games na idaraos sa Bangkok, Thailand.
May siyam na gold medals na si Yulo sa nasabing biennial event na inaasahang madaragdagan pa sa 2025 edition.
Nakatutok din ang Pinoy gymnast sa muling pagsabak sa Olympics sa Los Angeles, USA sa taong 2028.
Bukod pa rito ang tsansang makasabay sa training ang mga kapatid na sina Elaiza at Eldrew.
Gumawa ng kasaysayan si Yulo nang kumubra ng dalawang gold medal sa Paris Olympics.