--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa rin ng prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno ang Our Lady of the Pillar Parish dito sa lungsod ng Cauayan kasabay ng kapistahan nito bukas, ika-9 ng Enero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Cauayan, sinabi niya na  ganap na alas tres bukas ay sisimulan na ang traslacion ng itim na Nazareno.

Simula sa Simbahang Katolika ay iikot ang prusisyon sa mga pangunahing lansangan sa poblacion pabalik ng simbahan at pagkatapos ay magkakaroon ng misa sa ganap na alas-5 ng hapon.

Inaasahan naman nila na mas maraming makikiisa sa naturang aktibidad bukas kung ikukumpara sa nagdaang mga traslacion kaya naman target nilang gawing mas malakihan ang pagdiriwang.

--Ads--

Ang ilang mga parokya na mayroong imahe ng Poong Nazareno ay nagsasagawa rin paglilibot sa imahe sa mga Barangay.

Naniniwala naman si Father Ceperez na kaya marami ang nakikiisa sa kapistahan ng Itim na Nazareno dahil nais nilang makaranas ng himala, makadama ng pag-asa at maramdaman na hindi malayo ang Diyos at kaisa siya sa pagdurusa ng mga tao.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na wala silang isasarang kalsada kasabay ng prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno.

Magsisimula anya ito sa Simbahan patungong barangay Cabaruan at liliko sa National Highway patungong Canciller Avenue hanggang sa makabalik sa Our Lady of the Pillar Parish Church.

Bagaman dadaan ito sa National Highway ay hindi naman sila nababahala sa traffic lalo at hindi naman rush hour ang alas tres ng hapon kung kailan magsisimula ang aktibidad.

Gayunpaman ay tiniyak pa rin niya na nakaantabay ang kanilang hanay para sa matiyak ang kaayusan sa pagdiriwang ng kapistahan ng itim na Nazareno.