CAUAYAN CITY-Nagbigay ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa kanilang planong pagpapaayos ng mga sirang daanan sa buong West Tabacal Region ng Cauayan City.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Edgardo “Egay” Atienza, nitong buwan ng Disyembre sa nakalipas na taon ay napansin na umano nila ang naturang daanan partikular na lamang sa Brgy. Labinab at Buena Suerte.
Aminado aniya ang lokal na pamahalaan na pangit, sira-sira, o bako-bako ang daan na nagpapapangit sa imahe ng tinaguriang ideal City of the North.
Ayon pa sa konsehal, bagaman Provincial Road ito ay tungkulin din ng LGU na mag solicit ng pondo para mapaayos ang daan.
Sa ngayon ay mayroon na umanong paunang pondo na nalikom ang lokal na pamahalaan para sa daan ng Labinab at Buena Suerte subalit umaasa sila na magkakaroon pa ng mas malaking pondo para naman sa pagpapaayos ng mga sirang daan sa
9 pa na barangay sa West Tabacal Region.
Gayon pa man, humihingi naman ng pang unawa ang lokal na pamahalaan dahil hindi rin aniya ura urada ang pagpapaayos nito at kinakailangan nilang i konsidera ang maulang panahon sa pagpapaliban ng pagpapaayos.