Nasa dalawang bayan sa Lalawigan ng Isabela ang maituturing na Areas of Grave Concern o Red Category kaugnay sa papalapit na halalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Lee Allen Bauding, Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, sinabi niya na maigting na ang kanilang paghahanda para sa pagsisimula ng election period at pagsasagawa ng malawakang paglalatag ng comelec checkpoint at gun ban.
Natukoy namang areas of concern noong nakaraang halalan ang bayan ng Jones at Maconacon Isabela.
Ilang serye na ng pulong ang isinagawa ng IPPO para paghandaan ang pagbabantay sa nasabing mga natukoy na areas of concern tulad ng deployment ng PNP Personnel at iba pang maaring gawin ng mga otoridad upang mabantayan ang halalan sa nasabing mga lugar.
Nasa orange category ang Ilagan City, San Guillermo, San Mariano at San Pablo habang nasa Yellow Category ang Burgos, Benito Soliven, Mallig at San Isidro.
Ayon kay PCol. Bauding tahimik naman ang halalan sa Isabela kung ikukumpara sa ibang lugar ngunit hindi sila nagpapakampante dahil sa intense rivalry at maging ang maaring panggugulo ng mga makakaliwang grupo.
Tiniyak ni PCol. Bauding na mahigpit ang kanilang monitoring sa lalawigan upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari sa election period.