--Ads--

Pinawi ng BFAR Region 2 ang pangamba ng publiko kaugnay sa Tilapia Lake Virus o TILV na kumakalat na umano sa mga karatig na rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jefferson Soriano Officer In Charge ng Fisheries Integrated Laboratory ng BFAR Region 2 sinabi niya na patuloy ang kanilang monitoring kaugnay sa nasabing virus bagamat sa ngayon ay wala pa naman silang nasusuri na senyales may nakapasok na sa rehiyon.

Bukod sa ikamamatay ng tilapia ang TILV, nagiging dahilan din ito para matanggal ang kanilang kaliskis o magkasugat sa balat, at maging malabo ang mga mata ng mga maliliit pang tilapia.

Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United National, wala naman masamang epekto sa tao kung makakain siya ng tilapia na may TILV.

--Ads--

Mahigpit naman aniya ang monitoring ng BFAR Region 2 sa mga inaangkat na fingerlings na kanilang sinusuring mabuti para matiyak na hindi ito nagtataglay ng virus.

Ang tilapia ang isa sa mga paboritong kainin ng mga Pinoy dahil mas mura ito kumpara sa ibang isda.

Halos kalahati ng suplay nito ay nanggagaling sa Central Luzon.

Nanawagan naman siya sa mga mangingisda o mga tilapia growers sa rehiyon na panatilihing malinis ang mga fishcages o fishpond upangmakaiwas sa anumang sakit ang mga alagang isdang tilapia.