--Ads--

Pinayagan ng Local Government Unit ng Ilagan ang isasagawang peace rally ng Iglesia ni Cristo sa bahagi ng City of Ilagan Sports Complex.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricky Laggui, General Services Officer ng LGU City of Ilagan, sinabi niya na pinaghandaan ito ng LGU kung saan mismong si Mayor Josemarie Diaz ang nagpatawag ng pulong para sa paghahanda sa malaking pagtitipon na ito upang maisagawa ng maayos.

Nakatakdang isagawa ang peace rally sa araw ng lunes at tinatayang aabot sa 45,000 ang bilang ng dadalo kaya asahan na ang maraming sasakyan na magtutungo sa lungsod.

Manggagaling ang mga dadalo sa Cagayan, Isabela, Quirino at Kalinga.

--Ads--

May ginawa nang mga rerouting at 1 way plan para maaccommodate ang bilang ng mga sasakyang papasok sa lungsod.

Batay sa ibinigay na program plan sa kanila ay magsisimula ang peace rally sa ika-8 ng umaga hanggang ika-8 ng gabi kaya alas-5 pa lamang ng umaga ay sisimulan na ang mga rerouting.

Maliban dito ay naglabas na rin ng abiso ang pamahalaang lungsod ng class suspension sa araw ng lunes dahil apektado sila sa traffic at mga maaring mangyaring insidente.