CAUAYAN CITY- Tinupok ng apoy ang isang Storage House sa Nueva Era National High School sa San Manuel, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division DRRM Coordinator Kris Dela Cruz, sinabi niya na dakong 8:10 kagabi nagsimulang sumiklab ang sunog.
Agad naman umano itong nirespondehan ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Manuel at dakong 8:45 ng gabi ang idineklara na itong fire out.
Ipinagpapasalamat naman nila dahil tanging ang storage house lamang ang nasunog at hindi na nadamay pa ang mga instructional building na malapit sa nasunog na gusali.
Hindi pa naman matukoy sa ngayon ang pinagmulan ng sunog ngunit nilinaw niya na hindi konektado sa kuryente ang nasunog na gusali kaya inaantay pa nila ang resulta ng pagsisiyasat ng BFP.
Batay sa ulat ng pamunuan ng naturang paaralan ay aabot lamang sa 5,000 pesos ang kabuuang halaga ng pinsala dahil ang nasunog ay isang storage facility lamang.
Aniya, bago pa man ang insidente ay mayroon umano silang ginagawang fire prevention-related activities upang maiwasan ang sunog ngunit mas piigtingin umano nila ang kanilang fire prevention measures upang hindi na maulit ang naturang insidente.