--Ads--

CAUAYAN CITY- Mahigit 50,000 indibidwal ang nakiisa sa National Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo na ginanap sa City of Ilagan Sports Complex.

Alas kwatro pa lamang kaninang madaling araw ay nagsimula nang magsidatingan ang mga kalahok mula sa iba’t ibang lalawigan tulad ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Cagayan maging sa Kalinga.

Lahat ng mga kalahok ay nakasuot ng kulay puting T-shirt at may hawak na mga karatulang na nagpapanawagan ng kapayapaan.

Dahil sa pagdagsa ng maraming mga miyembro ng INC sa Lungsod ay nagkaroon ng pagsikip ng daloy trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Ilagan City.

--Ads--

Mayroon namang mga Law Enforcers ang nakaantabay sa mga kalsada upang magmando ng trapiko at upang alalayan ang mga kalahok sa kung anong ruta ang dapat nilang tahakin.

Mamayang alas kwatro pa ng hapon opisyal na magsisimula ang naturang aktibidad na inaasahang matatapos hanggang alas sais ng gabi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ka Gil Caberto, Ministro ng INC Isabela West, sinabi niya na layunin ng naturang rally na isulong ang kapayapaan sa bansa pangunahin na ang pagkakaisa sa mga lider na namumuno sa bansa.

Aniya, sa halip na magbangayan ay dapat mas pagtuunan nila ng pansin ang pangunahing pangangailan ng mamamayan lalo na at hindi pa tuluyang nakakabangon ang taumbayan sa magkakasunod na bagyong tumama sa bansa noong nakaraang taon.

Hindi lang umano mga Iglesia ng Cristo ang nakilahok sa naturang rally kundi mayroon ding nakiisa na mula sa ibang Relihiyon dahil iginiit nito na magkakaiba man sila ng Relihiyon ay magkakatulad naman umano sila ng hangarin para sa bayan.