--Ads--

Inatasan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 ang lahat ng partido sa cyber libel case na inihain ni Vic Sotto laban kay filmmaker Darryl Yap na huwag isiwalat o pag-usapan ang case proceedings at iba pang may kaugnayan sa isyu matapos nitong payagan ang urgent motion ni Yap para sa paglalabas ng gag order na inihain noong Enero 10.

Ayon sa abogado ni Yap na si Atty. Raymond Fortun, naghain sila ng mosyon para pigilan ang kampo ni Sotto na maglabas ng iresponsableng pahayag at maiwasan ang paglalabas ng anumang detalye ng pelikula dahil hindi pa ito nailalabas.

Nakitaan ng korte ng merit ang argumento na ang paglalabas ng impormasyon ay makakaapekto sa resulta ng pelikula.

Sinampahan ni Sotto si Yap ng 19 counts ng cyber libel matapos na mabanggit ang pangalan nito sa teaser ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma”.

--Ads--

Sa Omnibus Order na inilabas nitong Lunes, inatasan ni Presiding Judge Liezel Aquiatan si Sotto na magkomento sa loob ng tatlong araw sa motion for consolidation na inihain ni Fortun.

Layon ng motion for consolidation na pagsamahin ang petition para sa writ of habeas data ni Sotto kasama ang kanyang criminal complaint ayon sa mandato ng Supreme Court Circular 08-1-16-SC.

Nilinaw ng korte na hindi pa nito ipinag-utos ang pag-aalis ng mga materyales na may kaugnayan sa pelikula.

Samantala, inilipat ang pagdinig na dapat sana ay sa Enero 15 ay ginawang Enero 17.