Narekober sa lalawigan ng Cagayan ang kalansay ng isang Rebeldeng NPA.
Nahukay ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan at kasundaluhan ang kalansay ng isang nasawing miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga gamit nito sa kabundukang bahagi ng Sitio Suksok, Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt. Ed Rarugal, Information Officer ng 5th Infantry Division Phil. Army, sinabi niya na ang kalansay ay si alyas “Siray”, residente ng Zone 04, Barangay Carupian, Baggao Cagayan, at miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).
Ayon sa ulat ng Regional Mobile Force Battalion ng Region 2, nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan at kasundaluhan nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang dating rebelde na may nakalibing sa nasabing lugar.
Ayon umano sa nagbigay ng impormasyon, personal niyang nakilala si alyas “Siray” matapos silang sumali sa Underground Movement (UGM) noong 2001.
Sinabi rin nito na nasawi si Siray taong 2004 sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng NPA at mga kasundaluhan at inilibing na lamang siya sa lugar kung saan nahukay ang kanyang kalansay.
Kasama ng mga buto, natagpuan din ng mga otoridad ang sampung piraso ng bala ng 7.62 mm, isang bandolier, isang magasin ng M14, dalawang baterya, isang handheld radio, isang pares ng rainboot, at mga damit na pagmamay-ari ni alyas “Siray”.
Samantala, ang mga kalansay at iba pang gamit na natagpuan ay dinala na sa Barangay Hall ng Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan para sa disposisyon at sa isasagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan ng nasabing bayan.