--Ads--

Timbog sa ikinasang anti-illegal drug buybust operation ang isang tsuper ng bus sa lungsod ng Cauayan.

Ang pinaghihinalaan ay isang 47-anyos na lalaki, driver ng bus, at residente ng Brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela.

Naging matagumpay ang pagkakadakip ng pinaghihinalaan sa pagtutulungan ng mga kapulisan ng Isabela katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, 1,000 pesos na totoong pera, 4,000 boodle money, isang keypad cellphone, isang lighter at motorsiklo na ginamit sa transaksyon.

--Ads--

Itinanggi naman ng suspek ang naturang akusasyon at dipensa pa nito, hindi niya magagawang magtulak ng iligal na droga dahil sapat naman ang kanyang kita sa kanyang pagiging tsuper.

Sa katunayan aniya ay 18 taon na siya sa kanyang trabaho at kumikita naman siya ng 500 pesos kada byahe.

Sa ngayon, ang suspek ay dinala na sa himpilan ng PNP Cauayan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.