Abala na ang Bureau of Immigration o BI-Isabela sa kanilang Annual Reporting kaya naman hinihikayat nila ngayon ang lahat ng mga dayuhan o foreign nationals na naninirahan sa Lalawigan na magtungo na sa kanilang tanggapan para magbayad ng kanilang annual report.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alien Control Officer Larry Tumaliuan ng Bureau of Immigration – Isabela, sinabi niya na lahat ng mga dayuhang nakatira na sa Isabela anuman ang edad ay dapat na magbayad ng kanilang annual report.
Binibigyan naman nila ng konsiderasyon ang mga senior citizen o matatanda na edad 60-pataas kaya hindi na nila kailangan na magtungo pa sa kanilang tanggapan para sa personal appearance subalit kailangan ipakita ang kanilang Allien Certificate Registration.
Layunin ng hakbang na ito na mamonitor ang lahat ng mga registered Aliens sa Isabela.
Sa ngayon wala namang naitatalang anumang insidente ng non reporting sa mga Alien resident sa Lalawigan habang ang mga nagbakasyon o bumalik sa kanilang bansa ay required na magreport sa tanggapan pagkabalik sa Pilipinas para sa tuloy tuloy at maayos na monitoring.
Nagiging katuwang naman nila ang Intelligence Agency kung saan ang prosesong ito ay ginagawa rin para sa mga Pilipino na nakakuha ng Citizenship sa ibayong dagat na nais bumalik sa Pilipinas.