--Ads--

Nagbabala sa publiko ang pamunuan ng Tumauini Police Station kaugnay sa mga kawatang nanloloko o nang ii-scam gamit ang kaniyang pangalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr. hepe ng Tumauini Police Station sinabi niya nakarating sa kanila ang insidente matapos na tumawag sa kanila ang LGU Tumauini kung saan may numero umanong tumatawag sa kanila at nagpapakilala bilang si PMaj. Abbagao.

Aniya ang naturang scammer ay tumawag sa iba’t ibang opisina ng Local Government of Tumauini partikular sa General Services Office maging sa Municpal Health Office kung saan isang botika ang kanilang nabiktima at nakuhanan ng prepaid load na nagkakahalaga ng sampung libong piso at iba’t ibang uri ng gamot na umanoy ipinadala sa Lunsod ng Ilagan.

Batay sa impormasyong nakarating sa kanila ang scammer ay nagpakilala bilang hepe ng PNP Tumauini, tumawag ang scammer sa MHO o Municpal Health Office at sinabing may magaganap na outreach program kung saan kakailanganin ng PNP ang tulong mula sa mga Pharmacy.

--Ads--

Dahil dito ay ibinigay ng MHO ang numero ng isang Botika sa Bayan ng Tumauini, dito na aniya nagsimulang mag sollicit ng prepaid load ang naturang scammer.

Sa katunayan ay nakakatanggap na sila ngayon ng impormasyon na mayroong iba pang scheme ang naturang mga mangloloko dahil sa may ilang nagpapanggap  na piskal na tumatawag na rin sa mga himpilan ng Pulisya para umano mag ayos ng mga kaso.

Sa ginawa nilang cyber patroling nalaman na iisang grupo ang sangkot sa pangloloko subalit mga hepe ng PNP at mga piskalya ang kanilang ginagaya.

Sa ngayon ay ipapasa na nila ang insidente sa Anti-Cyber Crime Unit para matukoy ang lokasyon ng scammer katuwang ang NTC.

Sa katunayan ay nagkalat na ang numero ng naturang scammer kung saan may mga kaparehong insidente na rin sa Quezon Police station at ilang PNP stations pa sa Region 12.

Paalala ngayon  ng PNP sa publiko na maging maingat at tiyaking lehitimo ang numero na tumatawag o humihingi ng sollicitation mula sa sino mang Opisyal o kasapi ng PNP o iba pang ahensya ng Pamahalaan.