Posibleng magsimula na sa susunod na buwan ang feeding program sa lahat ng estudyante ng Cauayan North Central School bilang bahagi ng proyekto ng World Food Program katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City.
Magtatagal ito ng tatlong taon kung saan libreng makakakuha ng pagkaing pananghalian ang mahigit 1700 na mga estudyante ng paaralan.
Magsisilbing pilot area ng World Food Program ang nasabing paaralan kung saan ito ang napili na pagsagawaan nito sa buong Luzon.
Ayon kay Cauayan City Cooperative Officer Sylvia Domingo, ito ang kauna-unahang proyekto ng World Food Program sa buong Luzon at maswerteng isa sa mga paaralan sa lungsod ang napili.
Aniya, malaking tulong ito hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga miyembro ng kanilang kooperatiba
Sa ilalim kasi ng tatlong taong feeding program, ang World Food Program ang magbibigay ng lahat ng mga equipment at bigas.
Binigyan diin din niya na hindi basta bastang bigas ang gagamitin kundi ito ay mga fortified rice.
Magiging katuwang naman ang LGU Cauayan sa pagpopondo sa mga ulam sa feeding program kung saan lahat ng kinakailangan gaya na lamang ng karne at gulay ay bibilhin sa mga miyembro ng kooberatiba.
Sa ganitong paraan ay makasisiguro na mabebenta ng kanilang mga miyembro ang kanilang produkto sa mataas na halaga dahil direkta nilang bibigyan ng suplay ang LGU para sa nasabing programa.