Nag-level up na rin ang mga sindikato ng smuggling sa bansa kasabay ng digitalization ng Bureau of Customs (BOC) para pigilan ang korapsiyon sa loob ng ahensiya at paigtingin pa ang kampanya laban sa mga puslit na kontrabando.
Ito ang inihayag ni BOC Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla.
Ayon kay Maronilla, nagbago ng diskarte ang mga sindikato sa pagpupuslit ng mga kontrabando dahil sa paghihigpit ng BOC.
Kung kaya’t nakikipagtulungan aniya ang BOC sa Philippine Navy at Coast Guard para higpitan pa ang maritime surveillance upang mapigilan ang mga sindikato ng smuggling.
Bukod sa Philippine Navy at Coast Guard, pinalakas na rin aniya ng BOC ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng mga karatig-bansa sa Asya laban sa smuggling.
Aniya, ang pokus ng kooperasyon kontra smuggling ay depende sa pinanggagalingan ng mga puslit na produkto.
Inihalimbawa ni Maronilla ang mga nasabat nilang smuggled na sigarilyo na karaniwang nanggagaling aniya sa “triangle countries” o mula sa Vietnam, Cambodia, Laos at Thailand. Galing naman sa China kapag mga pekeng produkto o counterfeit items.
Sa tanong kung ano ang Top 5 ng smuggled goods sa Pilipinas, sinabi ni Maronilla na kabilang dito ang sigarilyo, agricultural items, counterfeit goods, at ilegal na droga.
Karamihan umano ng smuggling ay isinagawa sa southern part ng Pilipinas kung saan may open seas kaya malaking hamon ito para sa BOC dahilan para makipagtulungan ang ahensiya sa Philippine Navy at Coast Guard.











