Arestado ang isang lalaki matapos na tangkaing iwasan ang mga awtoridad sa Comelec Checkpoint at kalaunan ay nasamsaman ng iligal na droga at baril sa Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya.
Napag-alaman na ang tatlumpung taong gulang na suspek ay residente ng Sampaloc, Manila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Michael Gobway ng Solano Police Station sinabi niya na dumating ang suspek sa checkpoint sakay ng isang motorsiklo na walang suot na helmet.
Nang pahintuin siya ng mga pulis ay hindi ito tumigil at sinubukan pang tumakas ngunit bumangga sa barikada ng checkpoint.
Agad na hinuli ang suspek na kalaunan ay walang maipakitang lisensya at mga opisyal na dokumento ng kanyang motorsiklo.
Nasamsam din sa kanyang pag-iingat ang isang caliber 38 revolver, OR ng motorsiklo, ilang identification cards, at isang tooter na hinihinalang may residue ng shabu.
Natagpuan din sa loob ng kanyang pitaka ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at tinatayang may standard drug price na Php1,598.
Nalaman din na may tampering sa ignition system ng motorsiklo at ang OR ay nakarehistro sa isang Ginalynn Puente Galang ng Mandaluyong City.
Matapos ang imbentaryo, ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Solano Police Station para sa pagproseso at karagdagang imbestigasyon.
Batay sa kanilang pag-iimbestiga ang suspek ay sangkot sa carnapping sa bahagi ng Maynila.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (COMELEC Gun Ban), paglabag sa COMELEC Resolution No. 11067, at paglabag sa Sections 11 at 15, Article II, ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











