Pansamantalang hindi makakatanggap ng mga ibebentang palay ang National Food Authority (NFA) Cauayan City sa pagsisimula ng harvest season.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bomno Radyo Cauayan kay Ronald Acosta, ang House Supervisor ng NFA Cauayan at Luna, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa nababawasan ang mahigit 24,000 na sako ng palay na kanilang nabili noong April 2024.
Nangangahulugan aniya ito na wala pang sapat na espasyo para sa mga posibleng ibenta na palay ngayong harvest season.
Bukod sa NFA Cauayan ay nakararanas din aniya ng kaparehong sitwasyon ang NFA Luna kaya inirerekomenda ng kanilang tanggapan na dumeretso na lamang sa NFA Cabatuan, Echague o Santiago ang mga magnanais na magbenta.
Paglilinaw naman niya na ito ay pansamantala lamang habang wala pang katiyakan kung kailan darating ang mga millers para makapag decongest o mabaaasan na ang mga sako sakong palay sa kanilang bodega.
Mayroon lamang kasi aniyang 25000 na capacity ang kanilang mga bodega dahilan kung bakit hindi pa kayang tumanggap ng panibagong procurement.
Kaya ang ilan sa mga nagtutungo sa kanilang opisina na nagpapa schedule ay inuutusan na lamang sa malapit na NFA.











