--Ads--

CAUAYAN CITY- Problema ng mga motorista sa lungsod ng Cauayan ang madulas na aspaltadong kalsada na malimit maging sanhi ng aksidente.

Matatandaan na sunod sunod ang naitatalang aksidente sa lungsod ng Cauayan o sa buong lalawigan ng Isabela na ang dahilan ay dahil sa nawalan ng kontrol sa pagmamaneho dahil sa madulas na daan.

Ayon sa mga motorista, kahit anong klase ng sasakyan single man na motorsiklo o SUV ay aminadong nadudulas sa mga daan tuwing basa ito.

Makapit naman umano sa gulong tuwing maaraw ang panahon ngunit kabaliktaran naman tuwing maulan ang panahon kaya delikado pa rin ito sa mga motorista.

--Ads--

Samantala, iginiit naman ng Department of Public Works and Highways o DPWH na ang aspalto ang nagpapaganda sa kalsada.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Caesar Agustin, Information Officer ng DPWH Isabela 3rd District, binigyang linaw niya na ang paglalagay ng espalto sa kalsada ay upang gawing matibay ang daan at mapaganda ito.

Kadalasan aniya ay nilalagyan ng aspalto para matakpan ang ilang mga butas o crack ng kalsada.

Alam naman aniya nila na madulas at prone ito sa aksidente subalit dapat ay ugaliin kasi aniya ng mga motorista na mag dahan dahan lamang sa pagmamaneho upang kontrolado lamang at hindi madudulas ang sasakyan.