CAUAYAN CITY- Dalawang pulis mula sa Toledo City ang nahaharap ngayon sa mga kasong pagpatay matapos umano nilang gulpihin ang isang 59-anyos na pulubing lalaki hanggang sa mamatay noong Agosto 2024.
Nag-file rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Central Visayas (NBI-7) ng mga Administrative cases laban sa mga pulis na itinanggi ang mga paratang.
Ayon kay Atty. Renan Oliva, direktor ng NBI-Central Visayas, ang reklamo ay isinampa ni Cristita Rosento Mahinay matapos pumanaw ang kanyang kapatid na si Eliseo Pañares Rosento.
Idineklara ng Toledo City District Hospital ang biktima na dead on arrival noong gabi ng Agosto 26, 2024.
Ang sanhi ng kanyang pagkamatay ayon sa kanyang death certificate ay intracranial hemorrhage at traumatic brain injury.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-6:45 ng gabi ng Agosto 26, 2024, nakita ang dalawang pulis mula sa Toledo City Police Office na ginugulpi ang isang lalaki sa loob ng kanilang patrol car, isang Mitsubishi Montero, malapit sa Toledo City Catholic Cemetery sa Poblacion, Toledo City, Cebu.
Maraming tao ang nakasaksi sa insidente, ngunit karamihan sa kanila ay natakot na makialam. Pagkatapos ng insidente, iniwan ng mga pulis ang lugar subalit kasama parin ang biktima sa loob ng kanilang patrol car.
Bandang alas-7:30 ng gabi, huminto sila sa FERC Fuels gas station sa Poblacion, Toledo City, kung saan umano ay nagpalitan sila ng pag-gulpi sa biktima.
Isang security guard na naka-duty ang nakasaksi sa insidente at narinig ang mga hiyaw ng biktima hanggang sa tumahimik ito bandang alas-8:00 ng gabi. Pagkatapos nito, nakita ang katawan ng lalaki na nahulog mula sa likod ng upuan ng driver ng patrol car.
Agad na nakilala ng security guard ang mga pulis bilang si Patrolman Raymond Manipis at PMSG Sepjanrey Espares Roda, na madalas magparada sa gas station habang nasa kanilang mga patrol duties.
Tumawag ang mga pulis ng backup, at nang dumating ang SWAT team, sinabi nila na nadapa umano ang biktima at tumama ang ulo nito sa sementadong daan.
Nakakuha ng mga pahayag mula sa dalawang pulis ang NBI-7, at mariin nilang itinanggi ang kanilang pagkakasangkot sa krimen. Sa ngayon, patuloy pa ring nagtatrabaho ang mga pulis sa kanilang mga istasyon.











