--Ads--

Nakatakdang buksan ang isang radial spillway gate ng Magat Dam para sa pagpapakawala ng tubig mamayang alas tres ng hapon batay sa anunsyo ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).

Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang malalakas na pag-ulan sa bahagi ng mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, at Isabela dulot ng shear-line.

Bahagyang bubuksan ang spillway gate ng isang metro na may daming 186 cubic meter per second bagamat maari itong madagdagan depende sa magiging ulan sa Magat watershed.

Inaabisuhan naman ng ahensiya ang mga residente na malapit sa ilog sa posibleng pagtaas ng lebel ng tubig.

--Ads--

Pinapayuhan ang mga magsasaka na ilagay na sa ligtas na lugar ang mga alaga at gamit na maaring maanod sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat River.

Ugaliin ding makinig sa radyo at alamin ang mga abiso ng NIA-MARIIS patungkol sa mga susunod na ulat panahon at sitwasyon sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.