Magtatagal ang pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam hanggang sa araw ng Lunes.
Matatandaang binuksan ng alas-3 ng hapon kahapon ang isang Radial Spillway Gate ng magat dam para sa pagpapakawala ng tubig.
Ito ay may isang metrong opening at hindi bababa sa 200 cubic meters per second ang volume ng papakawalang tubig.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division, sinabi niya na sa ngayon ay nasa 190.56 meters above sea level na ang elevation ng magat dam at mayroon itong average inflow na 210cms.
Dahil ilang araw nang inuulan ang watershed area at patuloy ang pagtaas ang antas ng tubig sa dam ay kinailangan nilang magpakawala ng tubig para mapanatili ang ligtas na elevation ng tubig sa Dam reservoir.
Dahil dito ay inaaasahan ang kaunting pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat River habang halos wala naman itong epekto sa Cagayan river.
Aniya magtatagal ang pagbubukas ng radial gate ng dam hanggang sa araw ng lunes ngunit nakadipende pa rin ito sa magiging inflow ng tubig sa dam mula sa mga watershed areas nito at sa paggamit ng power generation.
Pinaalalahanan naman niya ang mga residente na iwasan muna ang magtungo sa mga ilog upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.