Isang unexploded ordnance o bomba na hindi pa sumasabog ang natagpuan sa Brgy. Calitlitan, sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Romeo Binasay ng Nueva Vizcaya Provincial Explosive and Canine Unit, ipinabatid sa kanilang himpilan ang pagkakadiskubre sa nabanggit na pampasabog.
Kaagad naman aniya nila itong nirespondehan at kinuha, at sa kanilang pagsusuri, ang pampasabog ay isang CTG 60mm, HE, na walang fuse at kinakalawang na.
Mariing pinaalalahanan ng PECU ang publiko na kapag makakakita ng ganitong uri ng pampasabog ay kaagad na ireport sa kinauukulan upang maiwasan na magdulot ng panganib.
Ayon sa kanila, kahit na luma man at kinakalawang na ay maaari pa rin itong sumabog kaya mas mabuting hayaan na lamang na ang mga eksperto ang gumalaw rito.
Matatandaang ilang linggo lamang ang nakalipas, nasawi ang isang indibidwal nang lagariin ng biktima ang natagpuang pasabog.











