CAUAYAN CITY- Plano ng Cauayan Water District na maglagay ng collection booth o collection facility sa East at West Tabacal Region upang hindi na mahirapan sa pagbabayad ang mga consessioners.
Batay kasi sa talaan ng Water District, mayroong apatnapu’t walong porsyento (48%) ng delinquent concessioners o ang mga konsyumer na hindi nakapagbabayad sa takdang bayaran.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, ang Department Manager ng Cauayan City Water District, aniya, lahat na ng konsiderasyon ay naibigay na nila sa mga konsesyoners.
Isa kasi aniya sa nakikita nilang dahilan kung bakit hindi nakakapagbayad ang mga konsyumer ay dahil sa layo ng opisina kung saan sila magbabayad.
Kadalasan ay iniipon pa umano ang babayaran para hindi pabalik balik sa Poblacion Cauayan para lamang magbayad.
Naiintindihan din naman aniya nila ang mga konsyumer dahil ang ilan ay namamasahe pa ng 40-100 pesos para lamang makapagbayad ng mahigit 100 pesos na bill.
Dahil dito ay maglalagay na sila ng collection facility ang tanggapan sa East at West Tabacal Region upang hindi na kailanganin ng mga konsyumer na magtungo sa main office.
Sa paraang ito, inaasahan pa ng ahensya na bababa ang bilang ng delinquent concessioners sa lungsod ng Cauayan.






