May paalala sa publiko ang Regional Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit 2 kaugnay sa pagkakatagpo ng mga hindi sumabog na bomba o granada.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Aldrin Galay, Public Information Officer ng Regional Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit 2, sinabi niya na may mga rules na dapat gawin kapag nakadiskubre ng hindi pa sumasabog na bomba o anumang explosives.
Matatandaang isang granada ang dalawang construction worker ang nakipag-ugnayan sa pulisya kaugnay sa kanilang nahukay na granada sa ginagawang bakod ng Municipal Hall ng Cordon Isabela.
Agad na rumesponde ang EOD-PNP Santiago City at nagdesisyon sila na pasabugin na lamang ito sa ligtas na lugar dahil hindi na ligtas pang ibyahe patungong lungsod ng Santiago.
Ayon kay PCpt. Galay, huwag magpanic kapag nakakatagpo ng pampasabog.
Agad na I-kordon ang lugar kung saan ito natagpuan at pangalawa ay huwag itong gagalawin dahil maaring ito ay sumabog kapag wala na ang safety accessories nito tulad ng safety pin o lever.
Pangatlo na hindi dapat gawin ay huwag magsunog o magsindi ng sigarilyo sa malapit sa pampasabog dahil sensitibo sa apoy ang mga pampasabog.
Huwag din aniyang daganan ng mabigat na bagay ang mga ito dahil sensitibo rin ang mga ito sa friction.
Kung maari ang lagyan ng sandbag o gulong sa paligid ng pampasabog habang hindi pa dumarating ang mga otoridad upang makaiwas sa sakuna kapag aksidente itong sumabog.
Ang mga electrical gadgets gaya ng cellphone ay nakakatrigger din sa mga bomba.
Muli ay pinaalalahanan niya ang publiko na ipaalam kaagad sa kanilang tanggapan o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kapag nakakadiskubre ng anumang pampasabog upang maiwasan ang mga aksidente.











