--Ads--

CAUAYAN CITY- Matapos ang halos dalawang dekadang pamumuhay sa lilim ng armadong kilusan, isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Barangay Lepanto, Quezon, Isabela.

Kinilala ang sumuko bilang si alias Christian, 66 taong gulang, isang magsasaka at residente ng naturang barangay. Kasabay ng kanyang pagsuko, isinuko rin niya ang isang homemade na 12-gauge shotgun na walang serial number.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Clarence Labasan ang hepe ng Quezon Police Station sinabi niya na taong 2003 ng maging miyembro ng kilusan ng alyas Christian at na recruit sa KAGIMUNGAN ng ANAKPAWIS sa pamamagitan ng isang nagngangalang Isabelo Adviento.

Di naglaon, naging bahagi siya ng KASAPI at nakilala si Ka Chito. Isa rin siya sa mga lumahok sa isang kilos-protesta sa Ilagan City noong 2004.

--Ads--

Gayunman, noong Marso 18, 2006, matapos makasagupa ng militar sa Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan, nagdesisyon siyang humiwalay sa grupo at hindi na bumalik.

Kinuha niya ang pagkakataon ng siya ay minsang utusan na maghatid ng mensahe sa ilang miyembro ng kanilang ka-grupo sa Tuguegarao City para tumakas at para hindi na mahabol ng kaniyang mga kasamahan ay pinili niyang manirahan kasama ang kanyang mga kamag-anak sa Quezon, Isabela upang mamuhay nang tahimik at normal.

Dahil sa patuloy na pagsisikap ng kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan na tapusin ang dekadang paghahasik ng terorismo ng CPP-NPA-NDF at sa pasigasig na pagsasagawa ng Police Community Relation, tuluyan nang nagdesisyon si alyas Christian na magbalik loob sa pamahalaan.