Nagsampa ng reklamong cybercrime ang Commission on election o COMELEC laban kay Atty. Jeryll Harold Respicio, isang kandidato para sa pagka-bise alkalde sa Reina Mercedes, Isabela, dahil sa pagpapakalat di umano ng mga maling impormasyon kaugnay sa halalan sa Mayo.
Ang reklamo ay isinampa ng Comelec sa pamamagitan ng kanilang Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan sa Manila Prosecutors’ Office ngayong umaga.
Pinirmahan ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, na kumakatawan sa task force, ang reklamo.
Kinondena ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang mga pahayag ni Atty. Respicio bilang “misleading”, at sinabi niyang ipinapaniwala nila ang publiko na maaaring manipulahin ang mga resulta ng halalan.
Sa kanyang mga video, inilahad ni Respicio na mayroong isang backdoor program na maaaring mag-overwrite sa Automated Counting Machines (ACM) at ipinakita pa kung paano ito gagawin.
Binanggit ni Garcia na ang mga pahayag ni Respicio ay hindi lamang atake sa Comelec, kundi sumisira rin sa buong proseso ng halalan at sa integridad nito.
Binigyang-diin niya na hindi palalampasin ng Comelec ang mga ganitong pahayag.
Nagbigay din ng babala si Garcia na magsasampa ang Comelec ng reklamo laban sa mga nagkakalat ng maling impormasyon o pekeng balita online laban sa mga kandidato, partido pulitikal, o mga botante.
Si Respicio, na tumatakbo para sa pagka-bise alkalde ng Reina Mercedes, Isabela, ay isang abogado at isang certified public accountant (CPA).
Maghaharap din ang task force ng kaso ng diskwalipikasyon laban kay Respicio, isang kasong disbarment sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), at isang petisyon sa Professional Regulation Commission (PRC) upang bawiin ang kanyang lisensya bilang CPA.
Samantala, hinikayat ni Garcia ang mga netizens na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon online.










