CAUAYAN CITY- Nanindigan si Atty. Harold Respicio na hindi siya nagpapakalat ng ‘fake news’ bagkus ay nais niya lamang itaas ang tiwala ng publiko sa halalan.
Si Atty. Respicio ay kandidato sa pagka-bise Alkalde sa Reina Mercedes, Isabela na nahaharap sa disbarment case matapos sampahan ng kasong Cyberlibel ng Commission on Elections sa pangunguna ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio, sinabi niya na hindi niya ina-undermine ang eleksyon dahil ang nais niya lamang ay ilapit sa comelec ang nakita niyang butas sa Automated Counting Machines (ACM) na gagamitin sa Halalan.
Giit nito na pwedeng ma-hack ang mga ACMs kung ito ay konektado sa internet lalo na kung corrupted ang source code nito kaya naman nanawagan siya sa Comelec na huwag I-connect sa internet ang ACM habang bumoboto ang mga botante at habang nagpi-print ng election return upang matiyak na tama ang mga lalabas na resulta.
Nakakalungkot lang aniya dahil tila pinapatahimik ng pamahalaan ang mga kagaya niyang concerned citizen na nais lamang magsalita hinggil sa kanilang puna at suhestiyon sa mga transaksyon ng Gobyerno.
Wala naman aniyang mawawala kung pakikinggan siya ng pamahalaan dahil siya ay concerned lamang sa integridad ng halalan at handa naman umano siyang tanggapin ang paliwanag ng komisyon kung siya man ay nagkamali sa kaniyang paniniwala.
Ayon kay Atty. Respicio, handa siyang harapin ang kasong isinampa laban sa kaniya dahil nagtitiwala pa rin siya na maayos ang judicial system sa bansa kaya naniniwala siyang mananaig pa rin ang katotohanan.
Nanawagan naman siya sa Comelec na kung talagang intensiyon nitong itaas ang integridad ng halalan sa bansa ay dapat matuto itong makinig sa suhestiyon ng publiko.