CAUAYAN CITY – Pinasisiyasat na ni Pangulong Bongbong Marcos ang sanhi ng pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge noong Huwebes.
Sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro sa isang panayam na dapat ay may managot sa naturang pangyayari.
“Nagkausap kami ng Pangulo kahapon regarding this. Ito talaga ay papaimbestigahan kung may bahid man ng korapsyon sa nangyaring ito,” ayon kay Castro.
“Hindi talaga pwedeng hindi managot. ‘Yan ang sabi ng Pangulo,” dagdag pa niya.
Ayon sa Palace Press Officer, hindi hahayaan ng pamahalaan na may makalusot na may pananagutan sa pangyayari.
“Pag nalaman natin kung sino ang mayroong pagkakamali dito at may bahid nga korapsyon— kung may bahid ng korapsyon— ay dapat may managot, makulong,” pahayag ng opisyal.
“Pero siyempre iisa-isahin pa rin natin ang facts. Kailangang may ebidensya,” dagdag pa ni Castro.
Nanawagan din ang Palasyo sa mga lokal na pamahalaan ay palagiang magsagawa ng inspection sa mga infrastructure projects sa kanilang nasasakupan.
“Dapat magkusa na rin. Sa dinami-rami po talaga ng trabaho ng Pangulo hindi naman talaga natin maiisa-isa ‘yan,” ayon sa Palace Press Officer.
“Kaya nga po may mga namumuno sa LGUs. Obligasyon niyo po ‘yan. May building officials naman kayo. ‘Yan po ang dapat nagchi-check,” dagdag pa niya.
Hinimok din ni Castro ang mga local executives na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung may mga hindi tamang nakikita sa mga infrastructure projects.
Una nang sinabi ng DPWH-Region 2 na nagsasagawa na sila ng pagsisiyasat kaugnay sa pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge.
Nag-umpisa ang paggawa sa nasabing tulay noon pang November 2014 at natapos lamang makalipas ang sampong taon nito lamang Feb. 1, 2025 kung saan umaabot naman sa P1,225,537,087.92 ang ginastos para sa paggawa ng naturang tulay.
Ang nasabing tulay ay may habang 990 meters kung saan umaabot naman sa 664.10 meters ang approach nito.
Natagalan umano ang paggawa sa nasabing tulay dahil sa ginawang retrofitting o pagsasaayos matapos matuklasang umuga nasabing tulay nang magsagawa ng pagsusuri sa naturang tulay.
Matatandaang gumuho ang bagong bukas na tulay matapos dumaan ang isang truck na may lamang mga boulders. Umabot naman sa anim ang naitalang sugatan sa pangyayari matapos maisama sa pagguho ang dalawa pang SUV.





