Maliban sa pisikal na pagtanggal ng Comelec sa mga campaign materials na nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar ay sisimulan na rin ng tanggapan ang pagpapadala ng sulat sa mga may-aring kandidato para sila ang magtanggal sa mga campaign materials.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2 sinabi niya na sa Oplan Baklas ay hindi lamang pisikal na pagbaklas ang ginagawa nila. Papadalhan na rin nila ng sulat o notice ang mga kandidato na may campaign materials na nakalagay sa ipinagbabawal na lugar.
Matapos ng 72 hours at hindi pa rin nakasunod ang kandidato ay dito na kukunan muli ng larawan ang campaign materials at gagawa na ng affidavit ang Election Officer upang sila ay makasuhan sa ilalim ng Batas Pambansa 881. Ayon kay Atty. Cortez wala nang pakialam ang Comelec kung ito man ay ikinabit ng mismong kandidato at supporter nito o hindi basta nabigyan sila ng notice for removal ay nararapat nila itong sundin.
Aniya disqualification at criminal case ang kakaharapin ng kandidatong hindi susunod sa nasabing panuntunan. Sa ngayon ay sa mga senador at party list muna ang kanilang papadalhan ng notice dahil hindi pa nagsisimula ang local candidates campaign. Aniya hindi pa kasi itinuturing na kandidato ang mga nasa lokal kundi mga aspirant dahil hindi pa nagsisimula ang kanilang kampanya.
Magsisimula naman ang local campaign sa ikadalawamput walo ng Marso.
Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga kandidato na huwag nang maglagay ng campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar kundi sa mga itinakdang common poster areas na lamang upang hindi masayang ang pagod at pera sa pagpapagawa nito kung matatanggal din lang.