--Ads--

Nakatutok ngayon ang mga pamahalaang barangay sa lungsod ng Cauayan sa mga kawatan na nagnanakaw ng mga helmet sa kasagsagan naman ng mga isinasagawang inspection ng Land Transportation Office sa mga lansangan upang hulihin ang mga violators.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag ng Brgy. Tagaran Cauayan City, sinabi niya na sa mga nagdaang araw o linggo ay isang insidente na ng nakawan ng helmet ang naitala dahil na rin sa basta na lamang iniiwan ng mga may-aring motorista sa kanilang pinagpaparadahan ng motorsiklo ang mga ito.

Dahil dito ay patuloy ang kanilang monitoring upang matiyak na hindi na ito maulit pa lalo na at sa ngayon ay laging nagsasagawa ng operasyon ang LTO sa paghuli sa mga walang helmet, lisensya, hindi rehistrado ang sasakyan at iba pang road traffic violations.

Aniya maari kasing magnakaw ang ibang motorista ng helmet kapag wala silang dala  na bumyahe at madadaanan ang LTO checkpoints.

--Ads--

Mahal din ang mga helmet kaya mainit sa mata ng mga kawatan lalo na ang mga kabataan kaya ito ang kanilang tinututukan sa ngayon.

Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na huwag iiwanan ang helmet sa motorsiklo kung paparada sa hindi ligtas na lugar lalo na kung ang dalang helmet ay branded dahil madali lamang itong nakawin ng mga kawatan.