CAUAYAN CITY – Patuloy na inaalam ng mga kapulisan ang motibo sa pagpaslang sa Punong Barangay ng Cabisera 27 sa Lungsod ng Ilagan.
Matatandaan na pinagbabaril-patay si Punong Barangay Avelino Quitola kagabi habang sakay ng kolong-kolong sa malapit sa isang sementeryo sa naturang Barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na galing umano ang biktima sa kaniyang Grocery Store sa Barangay Villa Imelda at pauwi na sana sa gamit ang kaniyang kolong-kolong na tricycle nang bigla itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kasama naman umano nitong umuwi ang kaniyang asawa ngunit magkaiba sila ng sasakyang ginamit pauwi.
Sa ngayon ay wala pang malinaw na lead ang kapulisan hinggil sa motibo ng pagpaslang ngunit tiniyak ni PCapt. Andal na titignan nila ang lahat ng anggulo na nag-uugnay sa krimen.
Nagsasagawa na rin aniya sila ng back tracking sa mga CCTV footages upang matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman.
Hinihikayat naman nila ang publiko pangunahin na ang mga mayroong hawak na impormasyon hinggil sa insidente na ipagbigay-alam lamang ito sa Ilagan City Police Station upang mabigyang hustisya ang pagkasawi ni Punong Barangay Quitola.





